#3

"Ako Bilang Isang Bagay"



     Maraming bagay akong pwedeng ihalintulad sa aking pagkatao ngunit sa tingin ko ihahalintulad ko ang sarili ko sa isang gitara. Ito ang napili ko dahil maraming katangian ang gitara na meron din sa akin.





     Ang gitara ay isang instrumentong ginagamit pang-musika at gawa ito sa kahoy. Simple lang ito at may mga bahagi upang mabuo ito. Ganyan din kasi ang pamumuhay ko, simple lang at may mga bahagi sa buhay ko tulad ng Diyos, pamilya, kaibigan, at marami pang iba na bumubuo sa aking pagkatao. Isa sa mga bahagi ng gitara ay ang "tuning pegs" o ang pangtono, ginagamit ito upang maging kaaya-aya ang maging tunog nito. May mga kamalian din kasi akong nagagawa sa buhay ko at may mga taong tumutulong sa akin upang itama ako upang mas maging isang matatag at kapakipakinabang na tao. Ang kwerdas o "strings" ng gitara naman ay isa sa pinaka-importanteng bahagi ng gitara upang ito ay tumunog at kapag mali ang paggamit dito ay napuputol ang mga ito. Ganyan din sa akin  kapag mali ang pagturing mo sa akin ay nasasaktan ang damdamin ko at ito  ay nakapanghihina sa akin. Tumutunog ang isang gitara kapag may gumamit nito tulad ako na nagsasalita lang kapag may kumausap sa akin. Masyado kasi akong mahiyain sa iba at hinhintay ko sila na maunang magsalita bago ako. Ang gitara ay nakakapagpasaya ng mga tao gamit ang magandang tunog nito. Tulad sa isang barkadahan na ginagamit ang gitara upang magsaya. Mabait at mabuting kaibigan kasi ako na handang pasayahin ang isang kaibigan na may problema.




     'Yan ang gitara na simple lang pero ito ay nakakapagpasaya. Pwede mong gamitin kung may problema ka. Ang tunog nito na kay sarap pakinggan. Kaya kung may problema ka lapitan mo ako dahil andito lang ako na handang pawiin ang lungkot na iyong nadarama.